Nauwi sa karahasan ang protesta sa harapan ng planta ng NutriAsia sa Marilao, Bulacan nitong Lunes kung saan 30 katao ang nasaktan, kabilang ang isang matandang babae na nag-viral sa social media ang duguan niyang larawan.

Nagsimula umano ang kaguluhan dakong 2:45 p.m. nang sagupain umano ng mga guwardiya ang mga nakaharang na nagpoprotesta para hindi mailabas ang mga produkto mula sa planta.

Nasa dalawang buwan na umano ang protesta para igiit na gawing regular ang mga manggagawa.

Sa inilabas na pahayag ng NutriAsia, sinabing "violence erupted when a minority, around 200 striking workers of Toll Packer BMirk and their supporters, fired a shot in the air and started to hurl rocks at police and guards tasked to maintain peace and order in the area."

Ayon pa sa NutriAsia, ginagamit ng mga nagpoprotesta ang mga bata at matatanda bilang "frontliners and human shields" sa barikada.

Pero ayon sa Kilusang Mayo Uno,  tahimik na nagdarasal ang mga manggagawa at kanilang mga tagasuporta nang sumugod umano ang nasa mahigit "100 security forces, including at least 30 policemen, brutally broke up the picket line and dispersed the protesters."

Ayon sa pulisya, isa sa mga naaresto ay nakuhanan ng baril at sachet na may shabu.

Tinawag naman ito ng KMU na, “fascist tactic of planting fake evidence.” -- FRJ, GMA News