Patay ang isang holdaper matapos umano nitong manlaban sa mga awtoridad sa Santa Rosa, Laguna nitong Miyerkoles.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras, kinilala ang suspek bilang si Bien Delos Reyes na miyembro daw ng Barredo Gun for Hire group at sangkot din sa ilang insidente ng pangangarnap.
"Paborito niyang biktimahin ay 'yung mga empleyado ng isang sikat na mall sa Santa Rosa. Ang tagal po namin itong minanmanan dahil masyado pong mailap ang ating suspect," said Police Superintendent Eugene Orate, chief of Sta. Rosa police.
"Gusto namin mahuli ng buhay para mapanagot sa kanyang nagawang krimen ngunit mas pinili niya ang lumaban kaya ito ang kanyang kinahantungan. Magsilbing babala po sana ito sa mga lumalabag sa batas," dagdag naman ni Police Senior Superintendent Kirby John Kraft, provincial director ng Laguna police.
Nakuha sa wallet ni Delos Reyes ang isang sketch ng lokasyon ng dalawang gasolinahan na hinihinalang target pagnakawan ng grupo ng suspek.
Isang baril din ang narekober mula sa kanya ng pulisya. —Anna Felicia Bajo/NB, GMA News
