Patay sa pamamaril ng riding in tandem sa harap ng barangay hall ang isang punong barangay sa Tondo, Maynila. Ang biktima, pinagbantaan umano na dalawang buwan lang matapos na manalo sa barangay elections nitong nakaraang Mayo.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa CCTV ng barangay na nakaupo at nakikipagkwentuhan sa harap ng barangay hall si chairman Joseph Moran nitong Miyerkoles ng gabi nang biglang tigilin sa harap nila ang mga suspek na nakamotorsiklo at pinagbabaril ang biktima.

Nagawa pang makatakbo ng ilang hakbang ni Moran pero bumagsak din sa kalsada dahil sa mga tama ng bala at namatay.

Mabilis ding tumakas ang mga suspek at hindi naman nasaktan ang kausap ng biktima.

Pulitika ang nakikitang motibo ng pamilya sa pamamaslang dahil pinagbantaan daw noon ang biktima nang manalo bilang kapitan ng barangay nitong nakaraang Mayo.

"Pagkatapos ng eleksiyon noong gabi, naka-receive kami ng balita na antayin lang siya na two months na pagkakaupo," anang kaanak.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at bumuo na ng task force para lutasin ang krimen.-- FRJ, GMA News