Pinagkakitaan ang bangkay ng isang kidnap victim sa lungsod ng Caloocan matapos itong parentahan sa saklaan at ibenta sa isang medical school upang mapag-aralan.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa "24 Oras" nitong Miyerkoles, kinilala ang kidnap victim na si Merlina Gamiao, na dinukot at pinatay raw ng ilang lalaki noong Setyembre 2017 sa kanilang subdivision.
Matapos ang insidente, umalis na raw ang pamilya ni Gamiao sa lugar.
Kinilala na umano ng pamilya ni Gamiao ang bangkay pero isinailalim pa rin ito sa DNA test upang makatiyak ang awtoridad.
Nabahala naman ang Department of Health (DOH) sa ginawa sa bangkay ni Gamiao.
"Napaka-disturbing na parang tatlong beses na nagkaron ng crime sa isang tao. Unang-una nakidnap nga, tapos pinatay siya, and then apparently pinagkakitaan pa pati 'yung dead body," sabi ni DOH Undersecretary Rolando Domingo.
Nagtataka rin ang ahensya kung paano napunta ang bangkay sa medical school ganoong napakahigpit ng mga polisiya sa mga bangkay na walang kumukuha o iniwan na lamang sa punerarya.
"Siguro 'yung ibang punerarya kapag unclaimed, ibinebenta nila. Pero 'yun nga hindi naman maaaring gawin 'yun," sabi ni Domingo.
Nakasaad sa Presidential Decree 856 o Code of Sanitation of the Philippines na dapat may clearance mula sa pulisya, DOH, at local government at dapat tiyaking walang nakakahawang sakit ang bangkay bago ito ibigay sa medical school.
May multang P1,000 ang sinumang lalabag sa kautusang ito.
Kung may medico-legal case naman kaugnay ng pagkamatay, dapat daw na sumulat ang medical school sa piskal na siyang magsasabi kung puwede nang ibigay ang bangkay. Ang medical school din daw ang dapat kumuha ng permiso at hindi ang punerarya.
"Ang medical institution alam ko di 'yan nagtitipid ng bayad sa cadaver kasi alam mo naman pagaaralan 'yan, meron ding corresponding na ano 'yan na fee. Kaya kahit magkano 'yung cadaver babayaran nila," sabi ni Roberto Gregorio, COO ng Philippine Mortuary Association.
Dalawa sa suspek sa pagkidnap kay Gamiao ang napatay sa isang encounter sa Bulacan.
Tatlo na ang natimbog samantalang may ibang pinaghahanap pa.
Iimbestigahan na rin ang punerarya na nag-embalsamo kay Gamiao at nagbenta sa bangkay nito. —Anna Felicia Bajo/NB, GMA News
