Kung nadiskubre at nasabat ang shabu na tinatayang P4.3 bilyon sa Manila International Container Port nitong nakaraang Martes na itinago sa magnetic lifter, may tinatayang P7 bilyon na droga naman ang pinaniniwalaang nakalusot.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing may nakita ring mga magnetic lifter ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency na sumalakay sa bodega sa Barangay F. Reyes sa General Mariano Alvarez, Cavite kamakailan.

Pero wala nang laman ang mga lifter na sinasabing dumating noong June 14.

Sa ginawang pagsusuri ng PDEA sa mga lifter, bagaman wala nang droga ang mga lalagyan, may napansin naman na bakas nito ang K-9 units.

Sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na 19 katao ang kanilang "persons of interest" sa naturang shipment, na kinabibilangan ng 11 Chinese.

"Karamihan po rito ay identified na po natin at tinutugis na po natin sila at nagko-conduct kami ng backtrack investigation para malaman pa po kung ano talaga po ang nangyari bakit naipuslit itong ganitong kalaking ilegal na droga sa ating port," ani Aquino.

Batay sa mga dikomento, sinabi ni Aquino na galing ang kargamento sa Taiwan.
Posible umanong ang Chinese triad o Golden Triangle syndicate ang nasa likod ng iligal na droga.

Una rito, sinasabing galing naman sa Malaysia ang shipment ng magnetic lifter na pinalabas na mga door frame para sa construction na dumating sa bansa noong June 28 na nasa container van.

READ: P4.3-B shabu shipment intercepted by Customs

Inabandona ang naturang kargamento na nang siyasatin ay nakita ang mga droga.-- FRJ, GMA News