Patay ang isang lalaking sangkot umano sa pang-aagaw ng mga motorsiklo at ilegal na droga sa Antipolo, Rizal matapos niyang makaengkuwentro ang mga pulis. Ang isa pang lalaking kaniyang kasama, nakatakas.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing may biniktima muna ang dalawang suspek na isang lalaking may motor, na bumibili noon ng sigarilyo.

"Tinutukan po ako tapos sinuntok. Inagaw po 'yung motor ko tapos tumakbo na rin po kami," anang biktima.

Ayon pa sa pulisya, may biniktima pa ang dalawang suspek na inagawan din nila ng motorsiklo sa iba pang bahagi ng Antipolo.

Dumaan ang dalawa sa Marcos Highway, kung saan tiyempong nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga pulis.

"Nu'ng paparahin na sila, nagpaputok 'yung mga suspects na 'yan. Actually tinamaan 'yung, nakita niyo kanina 'yung tama ng mobil," sabi ni Superintendent Villamor Banawagan, hepe ng Antipolo Police.

Sinundan ito ng habulan na nauwi sa engkuwentro, na nagresulta sa pagkamatay ng isa sa mga suspek.

Patuloy na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng lalaki, habang nakatakas naman ang kaniyang kasama.

Sinabi ng pulisya na posibleng kabilang ang mga kawatan sa isang grupo na sangkot sa iba't ibang krimen.

"Parang dalawang grupo 'yan. Actually involved sila sa mga ganiyan, mga holdup, mga agaw-motor and sa illegal drugs," sabi pa ni Banawagan. — Jamil Santos/MDM, GMA News