Nauwi sa umaatikabong habulan ang paghuli sa dalawang holdaper na edad 17 at 18, matapos nilang biktimahin ang mga pasahero ng isang jeep sa Maynila. Ang mga suspek, may ginawang pakulo para matakasan ang mga pulis pero hindi umubra.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, nahagip pa ng CCTV camera ang pagtalon ng dalawang suspek mula sa isang pampasaherong jeep na kanilang hinoldap sa Sta. Mesa.

Nagkataon naman na may nakaantabay na mga pulis sa lugar kaya hinabol nila ang mga suspek mula sa Ramon Magsaysay hanggang sa M. Dela Fuente na patungong Sampaloc.

Habang tumatakbo, naghubad ng jacket ang isang suspek para lituhin ang mga humahabol na pulis sa kulay ng suot niyang damit.

Ang isa namang suspek, biglang nagtago sa gilid ng daan na natatakpan ng tolda na parang walang ginawang krimen.  Dahan-dahan siyang naglakad palayo at kunwaring may kausap sa cellphone nang makalampas ang mga pulis.

Pero hindi umubra sa pulisya ang kanilang taktika dahil nahuli rin sila.

Aminado ang 17-anyos na suspek na gumagamit siya ng droga at nakatakdang ipagkatiwala sa Department of Social Welfare and Development.

Estudyante naman sa kolehiyo ang isa pang suspek na nagsisisi umano sa kaniyang ginawa at nais nang magbago.

Ayon sa pulisya, hindi ito ang unang beses na nasangkot sa holdap ang dalawa. -- FRJ, GMA News