Sa kabila ng labis na katandaan, patuloy pa rin sa pangangalakal ng basura si Lola Rosa Gaturian upang mabuhay.
Ayon sa ilang kapitbahay ni Lola Rosa sa Mabalacat, Pampanga, mahigit 100-taong-gulang na ang matanda.
"Marami pong nagsasabi na si Lola Rosa, nasa 100 na po," ani Iluminada Lingay sa ulat ni Ian Cruz sa Balitanghali nitong Lunes.
Nang tanungin si Lola Rosa kung kailan ang kaniyang kaarawan, sumagot siya na ipinanganak siya noong Agosto 16, 1915.
Nais ng mga pulis sa kanilang lugar na mabigyan ng tulong si Lola Rosa sa pamamagitan ng pagkuha ng benepisyo para sa mga centenarian subalit wala namang maipakitang birth certificate ang matanda.
Base naman sa nakuhang dokumento ni Lola Rosa sa tulong ng ilan niyang kapitbahay, taong 1938 ipinanganak ang matanda kaya't 80-anyos lamang daw ito.
Kuwento ni Lola Rosa, taong 1940s nang lumuwas siya sa Maynila upang mamasukan bilang kasambahay.
Mula noon hindi na siya nakauwi ng Leyte at hindi na rin niya nakita ang kaniyang mga kamag-anak.
Maraming netizens ang naantig sa kuwento ni Lola Rosa. Hiling nila, makita muli ng matanda ang kaniyang pamilya o kaya makuha ang kaniyang birth certificate para mabigyan siya ng sapat na tulong. —Anna Felicia Bajo/KBK, GMA News
