Pag-aaksaya lamang ng pagnahon ang pagpatol sa mga "brainless" na pahayag ni Panulong Duterte, ayon sa isang madre.
Pahayag ni Sr. Mary John Mananzan, OSB, sa panayam ng Radyo Veritas, hindi na dapat pag-aksayahan ng panahon ang mga walang saysay na pahayag ng pangulo.
Ito'y ipinahayag ni Sr. Mananzan, dating co-chairperson ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines, sa pinakahuling kontrobersyal na pahayag ng Pangulo patungkol sa usapin ng tumataas na bilang ng kaso ng rape sa Davao City.
Sa isang pagbibiro ni Duterte, sinabi niyang tumaas ang bilang ng mga kaso ng rape sa Davao City dahil maraming mga magaganda doon.
Ipinaliwanag ni Sr. Mananzan na alam ng lahat na ang rape ay isang seryosong usapin kung saan dapat na bigyang paggalang at suporta ang mga kababaihang biktima.
“We have always proclaimed that rape is not a joke and that women should be respected. Alam naman natin na ganun siya ... na hindi na siya magbabago kaya sa akin it’s such a waste of time to make an intelligent [reaction], hindi naman siya intelligent yung kanyang mga sinasabi naman is so mindless, brainless…” pahayag ng madre.
Ikinadismaya ng iba’t ibang grupo at sektor na nagsusulong sa karapatan ng mga kababaihan ang pinakahuling pagbibiro ni Duterte tungkol sa rape.
Ito'y kasunod ng inilabas na datos ng Philippine National Police na nagpapakita na sa 2nd Quarter ng kasalukuyang taon, ang Davao City ay nagtala ng pinakamataas na bilang ng kaso ng rape na nasa 42; sinundan ito ng Quezong City, 41; Maynila, 32; Cagayan de Oro City, 24; at Zamboanga City, 21 ba kaso. —LBG, GMA News
