Arestado ang 14 na drug suspects nang magsagawa ng raid ang Philippine Drug Enforcement Agency at Quezon City Police District sa Barangay Martin de Porres, Cubao, Quezon City.

Ang nasamsam sa kanila, mga pakete ng hinihinalang shabu na aabot sa P600,000 ang halaga.

Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News "Unang Balita," sinabing isinagawa ng mga operatiba ang kanilang anti-illegal drugs operations pasado 5 p.m. noong Martes.

Unang inaresto ang apat na suspek sa isang bahay sa Siloe Alley matapos isilbi ang search warrant sa kanila.

Sinabi ng mga pulis na dito kumukuha ng shabu ang mga inaresto naman sa drug den sa kalapit na eskinita.

Mayroon ding ecstasy tablets na natagpuan sa dalawang bahay.

Itinanggi ng mga nahuli na mga tulak at user sila.

"Wala po. May sakit po ako eh. Trangkaso po," sabi ng isang babaeng suspek.

"'Di naman sa aking bahay to 'e. Dito lang ako gumagawa ng mga grills. Kararating ko nga lang ho eh," sabi naman ng isang lalaking suspek.

"Nananahimik ako sa kuwarto kasama ko 'yung nanay ko eh. Ngayon nandirito na ako," sabi ng isa pang babaeng nahuli.

"'Yan naman kasi yung mga usual na depensa ng mga nahuhuli natin, but sabi ko nga po sa inyo based po sa ating surveillance na isinagawa, and with the help of our barangay officials, validated po na ito pong mga taong ito, personalities po — indeed involved in illegal drugs," ayon kay Supt. Giovanni Caliao, QCPD Station 7 Commander. —Jamil Santos/LBG, GMA News