Ipinagpapasalamat at itinuturing na malaking blessing ni Kean Cipriano ang pagdiriwang nila ni Chynna Ortaleza ng kanilang ika-10 anibersaryo bilang mag-asawa.
Sa guesting nila ni Rocco Nacino sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, binalikan ni Kean ang renewal of vows nila ni Chynna na ginanap nitong Nobyembre.
“Masarap 'yung pakiramdam dahil umabot kami ng 10 taon. Ang sarap din sabihin na isang dekada ko kasama itong tao na ito. Hindi naman siya perpekto. May high times, may low times, may challenges na ‘yan and all,” sabi ni Kean.
“The fact na magkasama kami pa rin at humihinga at nagmamahalan, yun 'yung pinakamagandang blessing sa akin,” pagpapatuloy niya.
Itinuturing na rin nito ni Kean bilang kaniyang “achievement” sa buhay.
“Hindi rin madali. Sa akin naman Tito Boy, kasi hindi ako ever nagkaroon talaga ng mahabang relationship. So ngayon na umabot ako ng sampung taon kasama 'yung asawa ko, parang malaking achievement sa akin ‘yun. Masasabi ko rin na ‘yun ang ibig sabihin sa akin ng success.”
Chynna babalik ba sa acting?
Natanong din si Kean kung may plano ba si Chynna na bumalik sa acting?
“Mas naka-focus po siya du’n sa aming entertainment company ng O/C Records. Na-e-enjoy niya ‘yung backend na ‘yun,” tugon niya.
Kuwento ni Kean, tinatanong niya ang asawa kung nami-miss nitong umarte.
“Ang maganda naman sa kaniya, dahil nasa stage din siya na, I'm sure hinahanap din 'yung sarili niya at kinikilala niya lalo 'yung sarili niya, hindi siya nagpapadala du’n sa pressure na ‘Kailangan may gawin ako para masabi ko na ito 'yung value ko,’” ayon sa singer-actor.
Dagdag ni Kean, masaya si Chynna na maging isang ina, ngunit bukas pa rin naman sa acting.
“Masaya siya maging nanay ‘yun 'yung huli niyang sinabi sa akin. Pero kung meron daw material or pelikula na maka-capture siya eh walang atubili,” patuloy niya.
Ikinasal sa isang civil ceremony sina Kean at Chynna noong 2015, at muling nagpakasal sa simbahan noong 2017. May dalawa na silang anak na sina Stellar at Salem.
Bumibida ngayon si Kean sa Metro Manila Film Festival entry na "Bar Boys: After School," na sequel sa iconic 2017 na pelikula ni Kip Oebanda. – FRJ GMA Integrated News
