Isang limang taong gulang na babae ang nakitang patay, walang saplot at nakabalot sa sako malapit sa creek sa Tanauan, Batangas. Ang biktima, hinihinalang ginahasa bago pinatay.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing may laslas sa leeg ang biktima, na natagpuan sa Barangay Maugat.
Lumabas sa imbestigasyon na inutusan ng isang lalaking kapitbahay ang anak nito na yayaing maglaro sa kanilang bahay ang batang biktima.
Ayon sa ina ng biktima, hindi niya napansing umalis ang bata.
Hinanap nila umano ang bata sa iba’t ibang lugar, hanggang sa kinabukasan na ito natagpuan malapit sa creek.
Dinakip ang kapitbahay ng biktima sa follow-up operation ng mga awtoridad.
Inaresto rin ang isa pang lalaki na itinuro ng kapitbahay na gumahasa at pumatay umano sa biktima.
Hindi nagbigay ng panig ang mga naaresto, habang hustisya ang sigaw ng pamilya ng biktima. —Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
