Anim katao ang sugatan matapos magkarambola ang limang sasakyan dahil sa isang van na lumipat ng linya sa Pozorrubio, Pangasinan.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV ng Barangay Batakil ang isang paparating na truck at tricycle sa kaliwang bahagi ng kalsada.

Ilang saglit lang, isang puting van ang dumating at biglang lumipat ng linya kaya ito bumangga sa truck.

Dahil dito, nasalpok ng truck ang kasunod na tricycle at nakaparadang sasakyan samantalang bumangga rin sa van ang sasakyang nasa likuran nito.

Tumilapon ang tricycle driver at pumailalim siya sa truck.

Agad namang tumugon ang mga awtoridad at nasagip ang tricycle driver.

Nagtamo siya at ang mga driver ng truck at van ng baling buto. Nagtamo rin ng sugat ang tatlong iba pa.

Sinabi ng pulisya na nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver ng van, na posibleng nakaidlip habang nagmamaneho.

Sinusubukan pang kunan ng pahayag ang van driver.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News