Inireklamo ang isang pagawaan ng pancit at miswa noodles sa Bustos, Bulacan dahil bukod sa inilalapag lamang sa sahig ang noodles at tinatapak-tapakan ng mga manggagawa, nilalangaw at dinudumihan pa umano ng ibang hayop ang produkto.

Sa nakaraang episode ng “Resibo,” sinabing isinumbong ni “Ariel,” hindi niya tunay na pangalan, sa programa ang hindi maayos na proseso sa paggawa ng kanilang produkto ng Unicorn Special noodles.

Bukod sa may uod sa sahig kung saan inilalapag ang noodles, malapit din ang pagawaan sa kanal. Hindi rin umano nagsusuot ng gloves, face mask at hair nets ang mga manggagawa habang inihahanda ang mga canton at miswa.

“Mano-manong minamasa ng tao, walang proper tools ang manggagawa. Nakahubad, tinatapakan. Tapos, bago po siya ilabas, 'yung lupa po na pinaglalabasan nila, sumasayad po ang pansit. Tapos ‘pag niluto po siya, ganoon din po, marumi pa rin po. Tapos iluto, 'yung babagsakan po, semento lang po,” sabi ni Ariel.

Sa halagang P86, mabibili na ang Unicorn Special Canton sa ilang palengke sa bayan ng Bustos.

May brand at address ang packaging, ngunit walang mababasang iba pang detalye tungkol sa produkto gaya ng ingredients, nutrition packs at iba pa.

Batay sa mga surveillance video na natanggap ng Resibo, mapapanood na mano-manong minamasa, hinihila, sinasampay, at nire-repack ng mga empleyado ang noodles ng canton at miswa. Mapapansin pang walang suot na kahit anong guwantes o anumang personal protective equipment ang mga manggagawa.

“Kung ano 'yung damit nila nu’ng paggising nila, ‘yun na po ang damit nila pagpasok sa trabaho. Wala pong bota, basa po lagi ang paa ng mga namimrito ng pansit canton,” sabi Ariel.

Ang mantika naman, tila maraming beses nang ginamit.

“Merong paulit-ulit, merong sinasamahan ng bago. Hinahalo po 'yung luma sa bago. Pero 'yung pinaglalagaan po, hindi po pinapalitan ‘yun. Hanggang matapos po ‘yun, kung ano po 'yung tubig na nakalagay, ‘yun at ‘yun lang po ang tubig nu’n,” patuloy pa ni Ariel.

Bukod dito, tila pagala-gala lang ang ilang pusa at manok sa pabrika, at nadudumihan nila ang miswa.

Natuklasan ng Resibo sa online portal ng Food and Drug Administration o FDA, na may nauna nang advice tungkol Unicorn Special Canton at Unicorn Special Miswa na wala itong mga certification of product registration o CPR at hindi dumaan sa evaluation process.

Dahil dito, nag-issue ang FDA ng paalala na huwag tangkilikin ang mga produkto nito.

Ayon pa sa ahensiya, walang hawak na anumang lisensya o registration ang Shun Fa Food Products na gumagawa ng Special Canton at Miswa.

“Malaki po ang risk kapag walang license to operate kasi po hindi po siya dumaan sa quality safety evaluation ng Food and Drug Administration kung saan po hindi po namin puwedeng sabihin sa publiko na naaayon ang kanilang manufacturing sa good manufacturing practices po,” sabi ni Atty. Khay Ann Magundayao - Borlado, spokesperson ng FDA.

Tunghayan ang pagbisita ng Resibo, kasama ang FDA, sa pabrika ng Shun Fa Food Products at doon nakita ang mga produkto na may nakasampay, may nasa sahig at may nilalangaw. Panoorin.

-- FRJ GMA Integrated News