Nabulabog ang mga residente ng isang barangay sa Quezon, Bukidnon sa pagtugis sa isang misteryosong lalaki na pumapasok umano sa mga kabahayan para manguha at posibleng pagsamantalahan ang mga dalagitang babae. Hinala ng ibang residente, miyembro ng isang kulto ang suspek.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ikinuwento ni “Alma,” hindi niya tunay na pangalan, na mahimbing silang natutulog noong madaling araw ng Nobyembre 24, nang bigla siyang maalimpungatan sa pagpasok umano ng isang lalaking nakaitim at naka-short.
Kahit na naroon ang kaniyang asawa, nagtulug-tulugan si Alma at hindi niya maigalaw ang kaniyang katawan. Nang tingnan niya ang kanilang anak na si “Erin,” (hindi rin niya tunay na pangalan), wala na ito sa kaniyang higaan.
Nakita naman ni Mang “Berto,” lolo ni Erin, ang lalaki na kanilang hinabol kasama ag ibang residente. Makaraan ang halos kalahating oras na paghahanap, nakita rin nila si Erin na tulala.
“Sabi niya, may kutsilyo daw kasi. Sinabihan siya, ‘Huwag kang sisigaw, huwag kang malikot, huwag kang gagalaw.’ Hindi niya makita 'yung mukha. Natakot siya,” kuwento ni Alma.
Isinalaysay ni Alma na dinala at pinahiga raw si Erin sa isang masukal na lugar na maraming puno at may mga nakalatag na dahon.
Sumailalim sa medical examination si Erin at nagnegatibo sa pananamantala, ayon sa Bukidnon Municipal Police Station.
Hanggang sa natuklaasan nina Alma na hindi lang pala si Erin ang nabiktima ng misteryosong lalaki noong gabing iyon.
Nobyembre 24 din nang magsisigaw ang batang itinago sa pangalang “Sophia,” na nakatira sa kabilang purok, matapos siyang buhatin ng lalaki sa kanilang bahay habang natutulog.
Ayon sa ina ni Sophia na si “Carmelita,” bigla umanong may bumitbit sa bata na hindi nila kilalang lalaki habang natutulog ito at dinala siya sa labas ng kanilang bahay.
Ngunit nagising ang bata nang mahulog siya sa pagkakabuhat at nanlaban sa lalaki.
Sinakal pa umano si Sophia ng lalaki kaya nagkaroon ng marka sa kaniyang leeg.
Ayon sa ina ng mga bata, nagbanta ang lalaki na babalik.
“Sinabihan siya na babalik pa daw. Bumabalik talaga siya. Umaaligid siya. Dito siya nag-aabang minsan sa may ilog. Parang gusto niya talagang kunin pa talaga ang anak ko. Feel kasi namin, 'yung kinukuha nila 'yung mga ganiyang edad,” sabi ni Alma.
Matapos ang insidente, pinaigting ng barangay Delapa ang pagtatanod ng kanilang mga tauhan sa gabi.
Disyembre 2 nang muling mamataan umano ang misteryosong lalaki nang magtangka na naman umano itong manguha ng batang babae. Sa pagkakataong ito, marami nang taga-barangay ang humabol sa kaniya.
Ngunit ang lalaki, mala-palos sa bilis kung tumakbo at agad nawawala sa dilim.
“Maliit lang (ang lalaki). Lighter lang 'yung pang-ilaw niya. Nagtago siya sa damuhan, pinalibutan po namin. Pag-flashlight namin, biglang nawala,” ayon sa residenteng si Jeremy Alvarez Lampitao.
Dahil dito, kumalat ang espekulasyon sa barangay na miyembro ng kulto ang lalaki, at tila may kapangyarihan para mang-alay ng mga batang babae. May kasama rin umanong iba ang misteryosong lalaki.
Ayon sa Bukidnon Municipal Police Station, mayroon na silang dalawang persons of interest na posibleng masampahan ng kasong attempted rape in relation to Public Act 7160 at may kulong na 20 taon.
“Bantayan nila ang kanilang mga anak, especially 'yung mga babae, kaya ‘yun ang tina-target doon. Kung mayroon silang mga nakita o kung kakilala nila, puwede nila i-report sa barangay o puwede nila i-report directly dito sa himpilan,” sabi ni Police Captain Vernie Corpuz ng Quezon Bukidnon Municipal Police Station.
Pinabulaanan naman ni Corpuz ang mga haka-haka tungkol sa kulto at hinimok ang publiko na umiwas na magpakalat ng fake news. – FRJ GMA Integrated News
