Mula sa P8, nais ng transport group na Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) na itaas sa P12 ang singil sa pamasahe sa jeepney.
Sa panayam ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabi ni ACTO president Efren de Luna, na inamyendahan nila ang petisyon na inihain nila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil sa epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law sa presyo ng mga produktong petrolyo.
"Ang halaga lamang po ng aming pinagbatayan no'n ay P35 per liter pero ngayon po, umaabot na po tayo ng halos P47 per liter," sabi ni De Luna.
"At ang pinagbatayan nga po natin nu'ng kami'y nag-file ay P8 na patungo po sa P10 pero ang nangyari po ngayon dahil sa pagtaas ng presyo ng langis... sa pamamagitan ng TRAIN law ay nagkaroon po kami ng amyenda du'n sa petition na lugar na P8 to P10 ay ginawa na po naming P12," dagdag niya.
Nitong July, inaprubahan ng LTFRB ang P1 provisional fare hike sa PUJs. Gayunman, walang tugon ang ahensiya sa petisyon ng transport groups.
"Ibig sabihin, 'yung one peso po na hiniling naming provisional ay nakuha na namin, tatlong piso na lamang po ang hinihiling namin pata maging P12," sabi ni De Luna.
Patuloy niya, walang dahilan ang LTFRB para hindi pagbigyan ang kanilang petisyon dahil sa pagtuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Pagtiyak naman ni De Luna, gagawin nila ang nararapat kapag bumaba naman ang presyo ng krudo.
"Kung sakali naman na bumulusok ang pagbaba ng presyo ng langis... puwede rin naming agarang ibigay yung pagbaba ng pamasahe," aniya. —FRJ, GMA News
