Nasunog ang sampung bahay sa Baseco Compound sa Tondo, Maynila noong Huwebes ng gabi at inaalam pa ang sanhi ng apoy.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing habang tinutupok ng apoy ang mga kabahayan, sumiklab ang mga kable ng kuryente sa mga poste sa paligid, na lalong nagpapahirap sa mga bumbero sa pag-apula ng apoy.
Natukoy ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection kung saang bahay nagmula ang apoy na sumiklab dakong alas-onse ng gabi. Pero hindi pa alam ng mga bumbero ang sanhi nito.
Wala umanong naisalbang mga gamit ang mga nasunugan. Maswerte umanong walang nasawi sa sunog.
Tinatayang aabot sa P70,000 ang pinsala ng sunog na naapula dakong hatinggabi na. —LBG, GMA News
