Naaresto ang isang manager ng spa at part-time driver na suspek sa pagsasamantala umano sa isang 14-anyos na babae matapos siyang maipit sa matinding trapik sa Marikina kaya inabutan ng mga awtoridad. Sa nakumpiskang cellphone ng suspek, nakita ang maraming sex video.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing natunugan ng suspek na si Charles Morisson-Lonie ang inilatag na entrapment operation ng mga operatiba ng Eastern NCR unit ng Criminal Investigation and Detection Group kaya umarangkada ito sakay ng kotse.
Pero dahil matrapik sa lugar, naabutan din siya ng mga awtoridad na humabol sa kaniya at nakisakay pa sa mga dumaang nakamotorsiklo.
Ayon sa dalagitang biktima, inaya siya ng kaniyang Facebook friend na makipagkita sa suspek noong Agosto 25. Pero nang makaharap na nila ang suspek, umalis ang kaniyang kaibigan kaya naiwan siya na kasama ang suspek.
Dinala umano ang biktima sa motel at doon umano ay pinilit siyang makipagtalik. Hindi rin umano alam ng biktima na kinunan pa ng video ng suspek ang kanilang ginawa.
“Pinilit niya lang po ako kasi po sasaktan niya raw po ako pag 'di ako pumayag,” saad ng biktima.
Ang sex video umano nila ang ginamit na panakot ng suspek sa biktima para manahimik at muling pilitin na makipagkita para makipagtalik muli.
Hindi naman itinanggi ng suspek na may nangyari sa kanila ng biktima pero iginiit niya na hindi niya alam na menor na edad ang dalagita na umano'y nakuha niya bilang "escort service" sa Facebook.
“I went online sa Facebook para mag-escort, and she was given to me not knowing na ganito ho [ang mangyayari]. I never ordered 14, younger girls. Hindi, it's not like that. Petite lang,” ani Lonie.
Inamin rin ng suspek na ginamit niya ang video ng pagtatalik nila ng biktima para makuha niya muli.
“Come on ko na lang siguro just to get her back, kasi ayaw na ho yata bumalik e. To be honest, her services were like really, really good,” dagdag pa ng suspek.
Nasabat din sa suspek ang kaniyang cellphone na naglalaman ng nasa 90 malalaswang video, discount cards sa mga motel, sex toys, drug paraphernalia at isang pakete ng hinihinalang shabu.
Nahaharap ang suspek sa patong patong na kaso ng direct assault dahil sa tangkang pagtakas, rape, paglabag sa Anti-Voyeurism Act, paglabag sa Violence Against Women and Children Law, child pornography at paglabag sa Dangerous Drugs Act. -- FRJ, GMA News
