Nasapul sa camera ang pananakal, pamimilipit ng mga braso, at pananampal ng isang babae sa dalawang batang naglalaro sa kalsada.

Ayon sa mga magulang ng bata, madalas itong ginagawa ng babae lalo kapag nakainom ito.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "Balitanghali" nitong Miyerkoles, makikita sa kuha ng camera na naglalaro ang isang batang nakadilaw, nang bigla na lamang siyang bitbitin ng babae, hawak-hawak ang leeg at braso ng bata.

Dahil sa pagkakasakal, napaiyak ang bata, na nakatikim pa ng sampal sa babae.

Sinaklolohan siya ng kaniyang kalaro at tinuya-tuya ang nanakal umanong babae. Tinangka siyang habulin ng babae kaya tumakbo ang bata.

Hinabol siya ng babae at siya'y nadapa, kaya siya naabutan. Dito na hinila ng babae ang kaniyang kamay at pinilipit.

Nag-iiyak ang bata sa sakit, ngunit may pinulot pa ang babae saka ibinato sa paslit. Hindi pa nakuntento ang babae, sinampal pa ang bata sa mukha.

Ayon sa 4-anyos na batang naunang sinakal ng babae, Mayo pa nitong taon nang mangyari ang insidente.  "Naglalaro lang kami ni Manoy. Tapos sinakal po ako tapos nisampal po ako."

"Sinampal ako malakas. Hinabol ako. Tapos kamay ko, pilipit," sabi naman ng 5-anyos na batang hinabol at sinaktan.

Kinilala ang suspek na si Christine Joyce Ubaldo, na sinampahan na ng reklamong child abuse ng mga magulang ng dalawang bata.

"Abusado na po 'yan eh," saad ng isang ina. Tinanong siya kung unang beses itong ginawa ni Ubaldo. "Hindi po, marami nang beses, lalo na po kung lasing siya."

"Gusto po talaga namin na mahuli siya para pagbayaran niya naman 'yung ginawa niya sa mga anak namin," sabi ng isa pang ina.

Nagpalabas na ng warrant of arrest ang korte nitong Hulyo laban kay Ubaldo para sa two counts of child abuse.

Sinubukan ng GMA News na kunin ang panig ni Ubaldo ngunit tumanggi ang ina ng suspek.

Giit ng nanay ng suspek, hindi nagtatago ang anak, bagkus umuwi lang ng probinsiya at nakahanda umano itong magpiyansa. —Jamil Santos/LBG, GMA News