Nailigtas sa matinding kapahamakan ang isang limang-taong-gulang na batang lalaki na pumailalim sa isang kotse at muntikan nang magulungan ang ulo kung hindi dahil sa alistong tanod sa Maynila.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa CCTV ng Barangay 306 sa Quiapo, Manila ang pagtawid ng batang biktima sa Carlos Palanca Street nang bigla siyang mabundol ng isang AUV.

'ALISTO': Ano ang 'blind spot' sa sasakyan na dahilan ng trahedya lalo na sa mga bata

Pumailalim ang bata sa sasakyan pero tila hindi namalayan ng driver dahil nagtuloy pa ito sa pag-usad.

Mabuti na lang at nakita ng tanod na si Chito Torregoza ang nangyari kaya mabilis niyang tinakbo ang sasakyan at pinatigil.

Nang silipin nila ang bata sa ilalim, nakapuwesto na ang ulo ng bata sa dadaanan ng gulong sa hulihan ng sasakyan.

Kung hindi umano napigilan kaagad ang sasakyan, malaki ang posibilidad na nagulungan nito ang biktima, ayon sa opisyal ng barangay.

Parang nakita din umano sa CCTV na gumagamit ng cellphone ang driver nang mangyari ang insidente.

Nakaligtas naman ang bata na nagtamo lang ng galos sa katawan at ulo.

Paliwanag ng ina ng bata, hindi niya namalayan na humiwalay sa kaniya ang anak at tumawid.

Hindi na sila nagsampa ng reklamo laban sa driver dahil sinagot umano nito ang gastusin sa pagpapagamot sa bata.

Paalala naman ng mga awtoridad, maging alerto at huwag gumamit ng cellphone habang nagmamaneho na ipinagbabawal sa Republic Act 10913 o Anti-Distracted Driving Act. -- FRJ, GMA News