Mariing kinondena ng isan obispo ang paggamit ng imahe ng mga santo sa masamang gawain.

Ayon kay Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara, chairman ng CBCP Episcopal Commission on Social Communication, ito ay kalapastanganan sa pananampalatayang Katoliko.

Ito ang reaksyon ng obispo hinggil sa nadiskubreng ilegal na droga sa likod ng imahe ng Mahal na Birhen na ipinuslit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

"Sana hindi gamitin ang mga bagay sa ating Simbahan tulad ng mga santo para gumawa ng masama," pahayag ni Bishop Vergara sa panayam sa Radio Veritas nitong Biyernes.

Nanawagan din ang obispo na iwasan ang mga masasamang gawain tulad ng pakikisangkot sa ilegal na droga.

Batay sa ulat ng Bureau of Customs, nakumpiska ang nasabing frame ng Mahal na Birhen sa Ninoy Aquino International Airport kung saan isiniksik sa likurang bahagi nito ang mga shabu.

Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, sinasamantala ng mga sangkot sa ilegal na droga ang mga Filipino dahil mahigit sa 80 porsiyento dito ay mga Katoliko.

Binigyang diin ni Vergara na dapat palakasin ang pagdedebosyon sa Mahal na Birhen lalo’t ang buwan ng Oktubre ay tinaguriang buwan ng Santo Rosario kung saan pinararangalan ang Mahal na Ina.

"Ngayon po ay buwan ng Oktubre at ating pinaparangalan ang Mahal na Birhen ng Santo Rosario, sila'y paalala sa atin na tayo po ay magdasal at sila ang naging daan din na lalong tumibay ang ating pananampalataya sa Diyos lalo na ang Panginoong Hesus," dagdag ng Obispo.

Sa kabuuan, aabot sa mahigit P15 milyon ang nakumpiskang ilegal na droga na nakasilid sa iba't ibang mga produkto kabilang ang nasa likod ng larawan ng Mahal na Birhen.

Bagamat suportado ng Simbahang Katolika ang kampanya ng pamahalaan kontra ilegal na droga, nanindigan ang obispo itong hindi wasto ang pamamaraan nitong paslangin ang mga sangkot sa ilegal na gawain. —LBG, GMA News