Patay ang isang lalaki nang bigla siyang barilin sa ulo ng lalaking nakasunod sa kaniya sa Cubao, Quezon City.

Sa ulat ni Rida Reyes sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV ang ginawang pagbaril ng salarin sa biktima.

Kaagad na umalis ang salarin na parang walang nangyari matapos bumagsak ang biktima na nagtamo ng isang tama ng bala sa ulo.

Ayon sa isang saksi, may naghihintay na kasabwat ang salarin na nakasakay sa motorsiklo.

Inaalam pa ng awtoridad kung sino ang salarin pero inaalis nila ang anggulong pagnanakaw na motibo sa krimen dahil walang kinuhang gamit sa biktima.

Nakita sa mga gamit ng biktima ang pera na nagkakahalaga ng nasa P20,000 at mga deposit slip na nasa iba't ibang pangalan.-- FRJ, GMA News