Inalis umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang limitasyon sa pag-angkat ng bigas para matugunan ang tumataas na presyo nito sa merkado at iba pang pangunahing bilihin, ayon kay presidential spokesperson Harry Roque Jr.
Sa press briefing nitong Martes, sinabi ni Roque na nabuo ang desisyon sa unli rice import sa ginanap na Cabinet meeting nitong Lunes ng gabi.
“The President approved the unimpeded importation of rice. Wala na pong restriction ngayon, basta magbayad lang ng taripa at gagamitin natin ang taripa na ito para sa ating mga farmers,” sabi ni Roque.
Ginawa ni Roque ang pahayag ilang araw matapos lumabas ang datos na umangat sa 6.7 percent ang inflation rate [bilis sa pagmahal ng mga bilihin at serbisyon] nitong September.
Ito na ang pinakamataas na inflation rate na naitala sa nakalipas na siyam na taon. Mas mataas ito sa 6.4 percent na naitala noong Agosto.
“The President can just order the liberation of the importation. Walang time frame [on liberalization of rice imports]. Kasi ngayon [kailangan] meron pang order ang NFA Council kung ilan ang i-aangkat na bigas, wala na pong ganyan ngayon. Of course they still need to procure import permit, but no one will approve the [volume of] rice to be imported anymore,” sabi ni Roque.
“Unfortunately po, habang wala pa tayong sariling langis sa Pilipinas, wala pa tayong magagawa sa pagtaas ng presyo ng langis. Pero ngayon, inaasahan natin mataas man ang krudo, mapapababa natin ang presyo ng bigas na malapit sa sikmura ng bawat Pilipino,” dagdag niya.
Sa kasalukuyan, ang National Food Authority (NFA) council na binubuo ng 11 ahensiya ng gobyerno ang sumusuri kung gaano karaming bigas ang aangkatin. Ang NFA rin ang nagbibigay ng pahintulot sa mga mang-aangkat ng bigas.
Sabi ni Roque, na hindi na kailangang hihintayin na maipasa ang Rice Tariffication bill na nakabinbin sa Senado.
“We don't need to wait for that [bill]. Ang importante po, kung maraming maipasok na bigas ay babagsak ang presyo ng bigas. Ang importante din po magbayad sila ng taripa dahil gagamitin natin ang taripa para tulungan ang mga magsasakang Pilipino,” ayon kay Roque.— FRJ, GMA News
