Isang dalawang-taong-gulang na lalaki na payat at matamlay ang basta na lang iniwan ng isang babae sa isang tindahan na may mga batang naglalaro sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Martes, ipinakita ang kuha sa CCTV noong Linggo dakong 10:00 p.m. na karga na ng mga mas malalaking bata ang 2-anyos na batang inabandona.
Dinala umano ng mga bata sa barangay hall ang inabandonang bata na kanilang nakita sa tindahan kung saan sila naglalaro.
"Kung dito po sa barangay namin 'yun kilala namin 'yung bata na 'yun. Maski po 'yung mga batang nakapulot kilala po 'yun. Eh hindi po siya kilala kaya hindi po taga dito 'yun," sabi ni Kagawad Evelyn Guadamor, ng Barangay 212, Zone 19.
Bukod sa payat at matamlay, may ubo't sipon din ang bata at may sugat sa pisngi na naghihilom na.
Hindi pa nakakapagsalita ang bata kaya hindi rin matanong ng mga opisyal ng barangay kung sino ang kaniyang mga magulang.
Umikot na raw ang mga opisyal ng barangay sa kanilang lugar para magtanong kung may nakakakilala sa bata pero bigo sila.
"Wala pong naghahanap dahil pinanawagan po namin wala po talagang naghanap, nilagay pa namin sa cellphone, [nilagay] rin po sa Facebook hanggang inabot na po kami ng umaga," sabi pa ni Guadamor.
Maaaring makipag-ugnayan sa Barangay 212, Zone 19 sa Tondo, Maynila sa sino man ang nakakakilala sa bata.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
