Inihayag ni Customs Commissioner Isidro Lapeña na nakokombinsi na siya para maniwala na may lamang shabu ang mga magnetic lifter na nakalabas sa aduana at nakita kinalaunan sa isang bodega sa Cavite.

Ginawa ni Lapeña ang pahayag matapos na madinig ang mga testimonya sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs at Good Government and Public Accountability nitong Miyerkoles.

"With those evidences, with those testimonies, I am now more inclined to believe that indeed na yung mga magnetic lifters na 'yon contained shabu," sabi ni Lapeña sa mga mamamahayag matapos ang pagdinig.

Ayon sa opisyal, ang testimonya ng kinatawan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) tungkol sa mga magnetic lifter tulad ng gamit nito ang dahilan kaya nagbago ang kaniyang paniwala na walang laman ang mga lifter.

Sa pagdinig, sinabi ng opisyal ng DPWH na ang disenyo ng mga nasabat na magnetic lifter na nakita sa General Mariano Alvarez sa Cavite ay hindi para bumuhat ng mabibigat na bagay kung hindi para paglagyan ng kung anong bagay na ibibiyahe.

"Pati yung mga nangyari sa warehouse, may mga Chinese doon, may nagpunta doon, and the here comes yung naging resulta ng tracing, backtracking na there was an attempt to change the address to GMA, Cavite," sabi ni Lapeña.

Noong pagdinig ng komite noong Agosto, iginiit ni Lapeña na naniniwala siyang walang lamang shabu ang mga magnetic lifter dahil isinailalim din nila ang mga ito sa pagsusuri tulad ng "swabbing".

Pero nanindigan ang The Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na may droga ang mga magnetic lifters dahil inupuan ito ng kanilang K9 dogs nang kanilang ipaamoy.

Tinataya ng PDEA na nagkakahalaga ng P6.8 bilyon ang nakalusot na mga droga at pinaniniwalaang bumabaha na ngayon sa merkado.

Sinabi naman ni Customs Deputy Collector Lourdes Mangaoang na naniniwala siya na may laman ang mga magnetic lifter batay sa imahe sa resulta ng X-ray scan ng mga ito bago nakalabas ng aduana.— FRJ, GMA News