Isang kotse ang nagdire-diretso at nasalpok ang isang nakaparadang multi-purpose vehicle at e-bike matapos itong parahin ng LTO enforcer sa San Jose, Batangas. Ayon sa pulisya, posibleng nag-panic ang driver nang parahin ng opisyal.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood sa kuha ng CCTV nitong Martes na nakahinto sa kalsada ang isang MPV habang iniinspeksiyon ng LTO enforcer sa Barangay Taysan.

Hanggang sa pinara rin ng LTO enforcer ang isang parating na kotse.

Pero sa halip na tumigil, dumiretso ang kotse at sinalpok nito ang MPV at isa pang nakaparadang e-bike.

Sa isa pang anggulo ng CCTV, makikita ang lakas ng pagsalpok ng kotse sa dalawang sasakyan.

Naatrasan pa ng e-bike at natumba ang isang lalaki.

Sinabi ng pulisya, na maaaring nag-panic ang driver ng kotse nang parahin ng LTO enforcer kaya sa halip na brake, gas accelerator ang natapakan niya.

Nakipag-areglo na ang driver ng kotse at nangakong sasagutin ang pinsala sa MPV at e-bike pati ang pagpapagamot ng lalaking nagalusan. —Jamil Santos/VBL GMA News