Sugatan ang apat katao na nanonood ng basketball game matapos silang araruhin ng isang closed van sa Kawit, Cavite.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood na pinagtulungang alisin ng mga tao ang closed van para masagip ang isa sa mga biktima na naipit sa pagitan ng van at pader.
Lumabas sa imbestigasyon na unang sinalpok ng closed van ang isang nakaparadang kotse at isang SUV bago nito natumbok ang mga biktima.
Nadamay din sa insidente ang mga nakaparadang motorsiklo, habang nagtamo ang mga biktima ng minor injuries.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng closed van na umaming nakainom.
Mahaharap ang driver sa kaukulang reklamo. —Jamil Santos/VBL GMA News
