Hinirang ang "Tokhang" bilang Salita ng Taon sa ginanap na Sawikaan 2018 nitong Biyernes.
Idineklara ang pagkapanalo ng "tokhang" (tawag sa kampanya ng pulisya kontra-droga) matapos ang isinagawang deliberasyon ng grupong mula sa akademiya sa University of the Philippines-Diliman.
Sawikaan 2018: Defender says “DDS”, which is among words being considered for word of the year, also refers to “Dating Duterte Supporters” pic.twitter.com/U01WiUBoSA
— M. Claire Layug (@MClaireLayug) October 26, 2018
Pinagsamang "katok" at "hangyo" (pakiusap sa wikang Cebuano) ang salitang "tokhang."
Pumangalawa naman sa "Tokhang" ang “Fake news,” at pangatlo ang “Dengvaxia."
Nakuha naman ng salitang “Foodie” ang pagkilala bilang "online favorite" batay sa isinagawang botohan.
Inihayag ng National Artist for Literature at Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) chairperson na si Virgilio Almario, na kabilang sa layunin ng pagdaraos ng naturang "Sawikain" ay maipaalam sa publiko ang mga bago at nauusong salita na ginagamit.
"Ginagamit na ito ng mga tao ng labas ng orihinal nitong paggamit. So ibig sabihin, nagiging gano’n na ka-popular,” ani Almario.
"Ang higit na mahalaga sa amin ay naiintindihan ng mga tao kung ano ‘yung kanilang ginagamit,” dagdag niya.
Kabilang sa mga naunang itinanghal na Salita ng Taon ang canvass (2004), jueteng/huweteng (2005), lobat (2006), miskol (2007), jejemon (2010), wangwang (2012), at fotobam (2016).— Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News
