Ligtas na naipanganak ang isang sanggol sa Maynila kahit na lumabas ang bata habang parating palang ang mga rumespondeng emergency team ng barangay.

Ayon sa ulat ni Marisol Abduraman sa “24 Oras", nadatnan ng mga humahangos na mga taga barangay ang ina ng bata sa Barangay 807 sa Quiapo, Maynila na nakapanganak na sa hagdan ng kanilang tinutuluyan.

nakasuot pa ang pantalon ng ina nang kanyang isilang ang sanggol.

"Lumabas na 'yung ulo ng bata du'n sa kanyang pantalon so ang ginawa namin...siyempre lumabas na 'yung bata. To save the baby, pinahiga namin siya, tinanggal namin pantalon n'ya at biglang lumabas 'yung baby,” ani Brgy. Sec. Jerry Concho.

Kahit na ninerbiyos sa mga pangyayari, nagtulungan ang magkaka-barangay na dahan-dahang ibaba sa hagdanan ang inang napaanak at ang kanyang anak.

Nakakabit pa ang pusod ng sanggol sa ina nang dumating ang mga kapitbahay.

"Iningatan namin 'yung baby. Binalot agad namin kasi hindi namin puwedeng putulin ang kanyang umbilical cord,” dagdag pa ni Concho.

Dagling isinakay sa ambulansya ang mag-ina upang dalhin sa Justice Jose Abad Santos General Hospital.

Pinuntahan ng GMA News ang ospital pero tumanggi ang pamunuan nito para sa panayam. —Llanesca T. Panti/NB, GMA News