Patay ang isang lola at ang kanyang dalawang apo matapos ma-trap sa nasusunog nilang bahay sa Jaro, Iloilo City, ayon sa ulat sa Balitanghali ng GMA News TV nitong Sabado.
Nakilala ang mga biktima na sina Natividad Panunciano at ang kanyang mga apo, sina Ivan, 12, at Iman, 11.
Natagpuan ang mga labi ng mga biktima sa ikalawang palapag ng bahay malapit sa bintana, ayon sa Bureau of Fire Protection.
Pito pang ibang bahay ang nadamay sa sunog.
Inaalam pa ng BFP ang sanhi ng sunog.
Isa sa mga tinitingnang dahilan ng sunog ay ang napabayaang kandila at palyadong linya ng kuryente. —KG, GMA News
