Patay sa pamamaril ang isang tricycle driver sa Caloocan City noong Sabado ng gabi, ayon sa ulat sa radyo.

Kinilala sa ulat ni Vonne Aquino sa Super Radyo dzBB nitong Linggo ng umaga ang biktima na si Ernesto Osorio, na napasubsob na lamang sa kaniyang tricycle matapos barilin sa ulo.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, nangyari ang pamamaril dakong alas-dyes ng gabi sa Barangay  177 ng Caloocan City.

Isang basyo ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril ang natagpuan sa crime scene sa may Oval Sampaguita St., Maligaya Park.

Blangko pa rin umano ang mga kaanak ng biktima sa motibo sa krimen dahil wala naman umanong alam na kaaway si Osorio, at wala rin itong kinasasangkutan na iligal na gawain.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis tungkol sa insidente. —LBG, GMA News