Inaprubahan ng pamahalaan ang P25 na dagdag sa arawang sahod ng mga minimum wage worker sa Metro Manila.

Sa ulat ni Carlo Mateo sa "Dobol B sa News TV" nitong Lunes, sinabing ang dagdag na umento na kasama ang P10 cost of living allowance (COLA) ay inanunsyo ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa pulong balitaan.

Dahil sa umento, sinabi ni Bello na magiging P537 na ang bagong daily minimum wage sa Metro Manila.

Ang naturang P25 na dagdag sa sahod ay malayo sa P334 na hinihiling grupo ng mga manggagawa, habang malapit naman sa P20 na inalok ng Employers Confederation of the Philippines.

Magkakabisa ang bagong pasahod pagkaraan ng 15 araw kapag nalathala ito sa mga pambansang pahayagan.

Idinepensa naman ni Bello ang naturang dagdag na sahod na isinaalang-alang umano ang kakayahan ng mga employer at pangangailangan ng mga manggagawa.

Iginagalang din umano ng kalihim ang sintemyento ng grupo ng mga manggagawa na naliliitan sa dagdag na sahod.-- FRJ, GMA News