Patay ang isang barangay tanod sa Nabua, Camarines Sur matapos siyang saksakin ng kanyang matalik na kaibigan nang magkainitan sa inuman.
Ayon sa ulat ni Bam Alegre nitong Martes sa Unang Balita ng GMA News, nag-iinuman ang tanod na si Felisimo Mediado at ang kanyang matalik na kaibigan na si Aproniano Toldanes.
Nang magkainitan, sinaksak ni Toldanes si Mediado, ayon sa pulis.
Giit ng suspek, dinepensahan lang niya ang kaniyang sarili.
"Nu'ng lasing na siya, umalis na nga ako eh. Pag-alis ko nagsunod pa siya. Tapos inanuhan ako ng kutsilyo. Naagaw ko. Inanuhan ko siya, sinaksak,” sabi ni Toldanes.
"Allegation 'yan ng suspek natin. Ang aanuhan natin 'yung investigation ng kapulisan and may mga witnesses tayo. So ifa-file natin 'yung murder sa piskalya. Depende na sa fiscal kung ibababa sa homicide," sabi ni Police Officer 2 Marlon Gallarte ng Nabua Police.
Nasa kustodya na ng pulisya ang suspek. —Joviland Rita/KG, GMA News
