Arestado ang 17 lalaki dahil sa pagbenta umano ng ilegal na droga sa kanilang inuupahang apartment sa Barangay Bagumbayan sa Pililia, Rizal.

Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa "24 Oras" nitong Biyernes, sinalakay ng mga awtoridad ang apartment na ginawa nilang imbakan ng mga ibinebentang videoke machine at sound system.

Naberipika raw kasi nila ang isang reklamo na may illegal drug trade na nangyayari sa lugar.

"Ano to eh, parang front lang nila," sabi ni Police Chief Inspector Robert Santos, hepe ng Pililia police.

"Kasi bakit ka dadayo rito? Napakalayo, di ba? From Quezon City, punta ka dito. Tapos ang bayad pa next year, so may dahilan sila magpa balik-balik tayo para maningil."

Mula sa mga suspek na edad 18 hanggang 50-anyos, nakumpiska ang ilang drug paraphernalia, weighing scale, at libu-libong pisong halaga ng shabu na naka heat-sealed sachet.

Ayon kay Santos,"Magkakaroon kasi rito ng pista, so puwede doon nila i-dispose. Buti't nakuha namin."

Itinanggi ng mga na nagtutulak sila ng droga, pero umamin ang mga ito sa paggamit ng shabu.

Giit ng isang suspek na si Icy: "Doon lang po sa loob ng bahay. Hindi lumalabas sa lahat lang nagsi-circulate 'yun." —Margaret Claire Layug/NB, GMA News