Nadakip sa operasyong ikinasa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Parañaque City ang isang babaeng nagpanggap umano bilang tauhan ng legal department ng Presidential Complaint Center.
Sa ulat ni John Consulta para sa Balitanghali ng GMA News TV nitong Huwebes, kinilala ang target na si Melanie Nicole Lamuag at ang kasamahan niyang si Micko Mel Gomez.
Inaresto sila ng mga tauhan ng NBI Special Action Unit (SAU) sa isang casino sa Parañaque City matapos nilang makipagkita sa isang mayoralty candidate ng Region III at tumanggap ng P5 million na marked money.
Ayon sa NBI, nagpakilala si Lamuag bilang taga-legal department ng Presidential Complaint Center na kaya umanong manipulahin ang resulta ng mga PCOS machine at panalunin ang sinumang kandidato.
Paliwanag ni Jun Donggallo, hepe ng NBI-SAU: "Pinagtataguan ng mga PCOS machine na bodega, ang may-ari daw no'n, pinsan niya. May access daw sila ro'n at may technician siya na kayang i-manipulate nga 'yung magiging result. Kayang papanalunin sa eleksyon itong kandidato."
Sa surveillance video na ipinakita ng mga awtoridad, makikitang may logo ng Office of the President ang blazer na suot ni Lamuag.
Makikita rin ang mga naglalakihang bato ng mga singsing sa kanyang daliri. Napag-alaman daw ng NBI na nanloko rin ang suspek ng alahera ng nasa P12 million.
Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek na nahaharap sa mga kasong falsification of public documents, estafa at usurpation of authority. — Margaret Claire Layug/RSJ, GMA News
