Hindi na naiwasang magkasakitan ang dalawang grupo ng kabataan na mga nagrambol sa Sampaloc, Maynila, na kinabibilangan ng mga menor de edad, kasama ang mga babae. Ang isang lalaki, nagdala pa ng katana samantalang ang isa pa ay nambato ng hagdan.

Sa ulat ni Oscar Oida sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente ng hatinggabi ng Nobyembre 17 sa may S.H. Loyola, Barangay 404, kung saan nagrambulan ang mga batang Quiapo at batang Balic-Balic.

Makikita sa isang video na nagtatakbuhan ang isang grupo habang hinahabol sila at pinagbababato ng kabilang kampo.

Ngunit ilang saglit ang nakalipas, umatras ang mga nanghahabol dahil may dalang resbak at armas na pala ang hinahabol na grupo.

Pumorma ang isang lalaking may dalang katana at winasiwas ito, at hinahamon ang mga sumugod.

Mga nasa walong taong gulang lang daw ang mga kasali sa rambol.

"'Yung isang babae nakahiga na po sinasabunut-sabunutan po," sabi ni Sid de Viterbo, isang saksi.

Sinuway sila ni Alvin Cabrera, ang taong kumukuha ng video nila, ngunit binalewala lang nila ito.

Maya-maya pa, tinamaan na ng bato sa ulo ang isa sa mga kabataan.

Naawat ang gulo nang dumating na ang police mobile. Hinabol pa ng isang tanod ang mga kabataan.

Inamin ng pamunuan ng Barangay 404 na hindi sapat ang kanilang mga tanod para awatin ang nangyaring rambol.

"Normally, dalawa na 'yung rumuronda so kung sakaling harapin 'yun ng mga tanod, maaaring kuyugin sila kasi mga 20 to 40 kabataan po 'yung time na 'yun na nangyari ang bagay na 'yun. So kumbaga sila kukuyugin, baka mabugbog pa sila," sabi ni Vangie Marquez, Barangay secretary.

Bumalik ang GMA News sa lugar at kita pa rin ang mga bakas ng rambol sa lugar.

May tama ang ilang sasakyan, at may nakita pang hagdan na nakasabit sa kawad ng kuryente na sinasabing pinangbato ng mga nagrambol.

Sinabi ng ilang residente na posibleng maulit pa ang rambol dahil may mga nasaktan.

"After nu'ng gulo parang wala lang sa kanila, hindi sila nag-aalala na may nasaktan sila or sila mismo nasaktan," sabi ni Katrina Gallano, residente.

Inihayag naman ng Sampaloc Police na paiigitingin daw nila ang pagbabantay sa lugar. — Jamil Santos/BAP, GMA News