Patay sa buy-bust operation ang isang pusher umano ng droga sa Sta. Rosa, Laguna.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa GMA "24 Oras" nitong Martes, nakipaghabulan pa sa mga pulis at sinubukang tumakas ng suspek na si Roberto Paredes alyas Bitoy.

Nanlaban umano si Bitoy kaya napatay sa operasyon.

Mga tricycle driver at estudyante raw ang mga parokyano ng suspek.

Dagdag pa ng mga pulis, dayo lang sa Sta. Rosa si Bitoy na suma-sideline din umano bilang holdaper paminsan-minsan.

Sa San Pedro, Laguna, tsuper naman ng jeep ang napatay sa isang drug operation na nauwi sa engkwentro.

Ayon sa San Pedro Police, kasama sa drug watchlist ang suspek na si Rodante Aragao na pumapasada sa rutang Pasay-San Pedro.

Isinasabay umano ni Aragao sa kanyang pamamasada ng jeep ang paghahatid ng droga.

Samantala, sa Cabuyao, Laguna napurnada ang hinihinalang planong panloloob ng dalawang umano'y durugista sa isang sanglaan matapos silang mapatay ng mga pulis sa isang engkwentro.

Batay sa imbestigasyon ng mga pulis, posibleng mga myembro rin ng termite gang ang dalawa dahil narekober sa kanila ang mga pala, piko, at isang mapa ng target na sanglaan na nasa likod lang ng inuupahan nilang bahay. —Dona Magsino/ LDF, GMA News