Limang suspek ang arestado sa magkahiwalay na operasyon kontra droga sa Quezon City, ayon sa ulat ni Cesar Apolinario sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.
Sa Barangay Gulod, sumalakay ang mga pulis nang mabilhan ng kanilang asset ang suspek na si alyas Bea na maghapon nang minamanmanan ng mga pulis.
Arestado ang target na nakilala sa tunay na pangalang June Domingo.
Bukod sa nabiling shabu, nakuha rin sa kanya ang dalawa pang sachet ng shabu.
Arestado rin ang mga umano'y iskorer niyang sina Eddie Boy Manaoag alyas Bornok, Jerry Patricio at Paolo Rivera alyas Rubi.
Ayon sa pulis, may koneksyon daw ang mga naarestoong sa suspek sa grupo na kinabibilanagan ng dating nahuling tulak na naka-cross dress tuwing may transaksyon.
“May koneksyon sila sa grupo nila Meneses, yung nag-wiwig, yung cross dressed. May koneksyon sila doon,” sabi ng hepe ng drug enforcement unit ng Station 4 Police Senior Inspector Dennis Francisco.
Samantala sa Barangay San Bartolome, kalahating kilong marijuana naman ang nakuha sa sumunod na target ng buy-bust operation na si Lorenz Simbol.
Nang kapkapan si Simbol, nakuha pa sa kanya ang buy-bust money at isang plastic ng kush o high grade na marijuana.
"Hindi naman (siya) tubo rito sa lugar na ito. Para di siya makilala sa area niya na nagbebenta ng droga dito sa area ng San Bartolome siya nagbebenta ng drog," sabi ng commander ng Station 4 na si Police Superintendent Rossel Cejas. — Joviland Rita/RSJ, GMA News
