Huli sa CCTV ang panghoholdap ng isang grupo ng kalalakihan sa isang estudyante sa España Boulevard sa Maynila nito lamang Martes, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Kita sa footage kung paano sinundan ng dalawang lalaki ang biktima at kung paano siya nilapitan ng isa pa. Nang pasakay na ang estudyante sa UV Express, mapapansing nagsiksikan ang mga lalaki sa pinto ng sasakyan.
Doon na ninakawan ng cellphone ng mga suspek ang estudyante. Pagkatapos ng krimen ay umalis ang mga suspek na parang walang nangyari habang ang biktima naman ay hindi na tumuloy sa pagsakay.
“Biglang may tumutok po sa aking kutsilyo po. Kutsilyo po nung isa po tapos isa sa likod ko po. Sobrang po akong nanlamig talaga nun kasi hindi ko po alam anong gagawin,” kwento ng biktimang estudyante.
“Yung cellphone ko po yung kinukuha. Sobrang panlalamig ko binigay ko na lang po agad. Nung nakalayo na po sila, tsaka dun po ako tumawag, na nagsisigaw po na naholdup po ako,” dagdag pa niya.
Biniktima rin ng mga suspek ang isa pang estudyante sa parehong lugar pasado 5 p.m.
“Tinutukan ako ng patalim, hindi ko lang sigurado anong klaseng patalim yun. Tapos sabi nila akin na yung cellphone mo. Sa sobrang takot ko po, binigay ko po yung cellphone ko,” kwento ng babaeng biktima
Nagsisigaw raw ang biktima hanggang sa makaresponde ang mga pulis.
Naaresto naman ng mga pulis ang tatlong suspek na kinilalang sina Alvin Ramos, Mark Wilson Casampol, at Alfred Mendoza na positibong kinilala ng mga biktima.
Ayon sa precinct commander sa University Belt area na si Police Inspector Edgardo Alombro, lima raw talaga ang suspek ngunit nakatakas ang dalawa.
“Nagkahabulan. Actually lima yan, bale dalawa yung nakatakas so naipasa nila yung cellphone kaya hindi namin nakuha,” ani Alombro.
“Matagal na nila itong ginagawa, so ang operation nila sa may Dapitan, España hanggang Welcome Rotonda,” dagdag pa niya.
Hindi itinanggi ng mga suspek na mandurukot sila pero itinanggi nilang sila ang bumiktima sa dalawang estudyante kahit pa na-hulicam sina Ramos At Casampol. Iginiit nilang hindi raw sila nanunutok ng patalim.
“Hindi po kami holduper…Mandurukot lang po,” ani Ramos.
“Hindi ho ma'am. Wala kaming hinoholdup ma'am. Dukot lang po yun,” sabi naman ni Mendoza.
Samantala, tiniyak naman ng mga pulis na paiigtingin nila ang kanilang visibility sa lugar lalo ngayong Christmas season.
Pursigido naman ang mga biktima na ituloy ang kaso lalo't trauma ang inabot nila sa nangyari at hindi rin naibalik sa kanila ang mga ninakaw na cellphone. —Joviland Rita/KBK, GMA News
