Limang persons under police custody (PUPC) ang nasawi nang maaksidente ang sinasakyan nilang police mobile sa Barangay Payatas, Quezon City.

Sa isang pahayag ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ngayong Biyernes, sinabing patungo sa Payatas City Jail ang mga biktima at kasama nilang mga pulis nang mangyari ang insidente.

Batay sa mga lumabas na ulat, nawalan ng preno ang sasakyan at bumangga sa pader.

Ayon sa lokal na pamahalaan, kaagad na rumesponde ang emergency and health personnel upang madala sa pagamutan ang mga biktima.

 

 

Subalit lima sa PUPCs ang nasawi, at isa pa ang malubha ang kalagayan. Apat na pulis din ang nasugatan.

Nagpaabot ng pakikiramay ang lokal na pamahalaan ng QC sa mga pamilya ng mga biktima, at nangakong sasagutin ang gastos sa ospital at pagpapalibing.

Magkakaloob din umano ang lokal na pamahalaan ng psychosocial support at counseling sa mga nakaligtas na biktima.

Nakikipag-ugnayan umano ang lokal na pamahalaan sa mga ahensiyang magsasagawa ng imbestigasyon sa naturang insidente.— Anna Felicia Bajo/FRJ GMA News