Lumabas sa pagsusuri ng Food and Drug Administration (FDA) sa mga lambanog na nainom at ikinamatay ng ilang biktima na mayroon itong methanol na nakalalason. Ang masaklap, hindi umano kaagad malalaman ng mga biktima na nalalason na sila dahil ang epekto nito sa pakiramdam ay tila lasing lang sila.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing bago ang naiulat na pagkasawi ng 13 tao sa magkakahiwalay na inuman ng lambanog sa Quezon City, Calamba at Santa Rosa, Laguna, may iniimbestigahan na rin umanong kaparehong kaso ang FDA na nangyari sa Luisiana sa Laguna, Antipolo City at sa Pampanga.

Sinuri na ng FDA ang sample sa ininom na lambanog ng mga biktima sa Laguna, Antipolo City at Pampanga, at natukoy na mayroon itong methanol content na hindi dapat kasama sa naturang inumin.

Sa isinagawang pagsusuri, lumalabas na 11.7 percent ang methanol content ng lambanog na nainom ng mga biktima sa Laguna; 16 percent sa sample ng lambanog na nakuha Antipolo City, at 21.8 percent mula sa sample na nainom sa Pampanga.

"Dapat wala or kung meron man it's a natural methanol. Dapat ho 0.1% lang," sabi ni Charade Puno, director general-FDA.

Ang epekto umano ng methanol sa biktima, multiple organ failure, pagkabulag, coma at pagkamatay.

Hindi rin daw kaagad malalaman ng biktima na nalalason ka na sila ng methanol dahil ang magiging pakiramdam nila ay lasing lang sila.

"In 12 to 24 hours pa ninyo malalaman kung kayo ho ay nalalason. Ang masaklap ho doon dahil matagal nga ho yung mag-kick in yung lason wala ho kayong preventive measure na magawa," paliwanag ni Puno.

Sabi sa ulat, dahil sa bahay lang ginagawa ang marami sa lambanog, walang sapat na teknolohiya para maihiwalay ang nakalalasong methanol mula sa nakalalasing na inumin.

Dagdag na peligro rin umano ang mga materyales na ginagamit sa pagre-repack ng mga lambanog tulad ng plastic.

"Another possible cause is the plastic bottle. 'Pag plastic at nilagyan n'yo ng alcohol sa loob madalas ho yung leeching na tinatawag. Ibig sabihin ho yung plastic na chemical, lumilipat ho doon sa alkohol, " sabi ni Puno.

Kasalukuyan pa umanong kinukuha ang mga sample mula sa nainom ding lambanog mula sa Quezon City, Calamba at Sta Rosa, Laguna. --FRJ, GMA News.