Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang kasamahan ng isang motorista na bumaril at nakapatay sa isang tauhan ng Highway Patrol Group sa Cagayan De Oro City na sumita sa kanila dahil sa kaduda-dudang plaka sa kanilang sasakyan.

Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, ipinakita ang mga kuha ng CCTV at dashcam sa nangyaring insidente kung saan napatay si Senior Police Officer 1 Sergs de Constantine Maceren ng HPG-Region X.

Napatay din ng mga rumespondeng awtoridad ang motoristang suspek na nakilalang si Adelao Abdul Rahim, na sinasabing may-ari ng tindahan ng mga baril sa Marawi City.

Patuloy ang pinaghahanap ang isa pang suspek na nakatakas pero mayroon na umanong "lead" ang mga awtoridad sa pagkakakilanlan nito dahil nasa kostudiya nila ang babae na kasama ng mga suspek nang mangyari ang insidente.

Bago ang engkuwentro, makikita si Maceren na lumapit sa kotse ng mga suspek na nagpapagasolina. Nauna na raw sinita ang naturang sasakyan dahil sa kahina-hinala ang nakakabit na plaka sa kotse pero hindi sila tumigil.
 
Sa isa pang anggulo ng CCTV, makikita naman na papaalis na ang kotse ngunit muling huminto hanggang sa natumba na si Maceren.

Nagawa pang makatayong muli ni Maceren at nakapagpaputok pero natumba muli siya.

Nadala pa siya sa ospital pero binawian din ng buhay.

Kaagad naman na tumugon ang iba pang kasamahan ni Maceren na sakay ng kanilang patrol vehicle para habulin ang mga suspek.

Napatay kinalaunan si Rahim, at isang pulis pa ang nasugatan sa naturang engkuwentro.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News