Isang lalaki ang nagwala, nang-hostage ng bata at namaril nang hindi umano kaagad nakasakay ng tren ng PNR sa Sta. Mesa, Maynila dahil puno na. Pero may mas mabigat palang problemang iniinda ang suspek kaugnay sa pagkatay ng kapatid niyang OFW sa isang police operation.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na hindi na pinayagan ng guwardiya ng PNR na makasakay kaninang umaga ang suspek na nakilalang si Dominador Abrillo.
Kasunod nito, nagalit na ang suspek at nang-agaw ng baril sa isang guwardiya sa riles at nagpaputok kung saan apat ang tinamaan.
Nang dumating ang mga pulis, nagkaroon pa ulit ng engkuwentro hanggang sa hinablot na ng suspek ang bata at hinostage niya.
Tumagal nang halos dalawang oras ang hostage-taking bago sumuko si Abrillo nang maubusan na ng bala.
Bukod sa hindi pagpapasakay sa tren, napag-alaman na dinadamdam din ng suspek ang pagkamatay ng kaniyang kapatid na OFW sa isang police operation matapos na masangkot umano sa ilegal na droga.
Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek na mahaharap sa patung-patong na kaso.-- FRJ, GMA News
