Natuklasan na may warrant  sa kasong pagpatay sa Samar ang lalaking nang-hostage ng bata sa Sta. Mesa, Maynila matapos magwala at mamamaril nang hindi payagang sumakay sa tren ng PNR dahil puno na.

Sa panayam ni Emil Sumangil sa GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, sinabi ni Police Superintendent  Ruben Ramos, Commander, MPD Station-8, na nalaman ng pulisya na may warrant ang 38-anyos na suspek na si Dominador Abrillo, nang magsagawa ng background check tungkol sa kaniya.

Ayon pa kay Ramos, inamin umano ni Abrillo ang kinakaharap na kaso sa Samar kaugnay sa pagkakapatay niya noon sa nobyo ng kaniyang dating kinakasama.

Samantala, ligtas na umano ang lahat ng nasaktan sa ginawang pagwawala ni Abrillo na nagpaputok ng baril na inagaw niya sa security guard ng PNR.

Umaga nitong Lunes nang magwala si Abrillo at nagpaputok ng baril, at pagkaraan ay binihag ang pitong-taung-gulang na Badjao na kasama umanong namamalimos ng mga magulang.

"Tinutukan kami pareho ng baril. Lalaban sana ako kanina eh sabi niya 'wag kang papalag, tuluyan kita," ayon sa ama ng bata, sa panayam ng GMA News "24 Oras."

Inabot ng isang oras ang pakikipagnegosasyon ng Manila Police SWAT Team sa suspek na bandang huli ay sumuko rin sa mga awtoridad matapos maubusan ng bala.

Ligtas naman ang batang pulubi at nasa kostudiya na ng Women and Children's desk ng kapulisan.

Ayon sa pulisya, may malalim na dinadamdam ang suspek na construction worker kaya nauwi sa pagwawala ang hindi pagkakasakay sa tren.

"The reason really is his brother's death. Galing daw ng Saudi, umuwi and then after a while na-conductan ng police operation which is sabi daw ay involved sa droga," ayon kay Ramos, station commander ng MPD-Station 8.

Mahaharap siya sa anim na kaso ng frustrated murder dahil sa pinsalang naidulot niya sa anim na biktimang nasaktan sa insidente

Samantala, ipinayo naman ni Ramos na dapat dagdagan at magkaroon ng kasama ang mga security guard ng PNP sa bawat istasyon para may sasaklolo sa kanilang kasamahan kapag nalagay sa alanganin gaya nang ginawa ni Abrillo.-- Dona Magsino/FRJ, GMA News