Patay ang isang taxi driver matapos barilin ng isang rider bandang ala-una ng madaling araw sa kahabaan ng P. Ocampo sa Maynila.
Ayon sa ulat ni Cecille Villarosa sa "Unang Balita," nakunan sa CCTV na may kasabayan ang taxi na motorsiklong may isang angkas.
Huminto ang motorsiklo sa harap ng taxi at nang umandar na ang ibang mga kasabayang sasakyan, hindi umusad ang motorsiklo kaya't hindi nakagalaw ang taxi.
Nakitang bumaba ang lalaki sa motorsiklo at nilapitan ang taxi. Makalipas ang dalawang minuto, umatras bahagya ang taxi pero nilapitan pa rin ito ng lalaki. Makikita sa CCTV na parang may bagay na kumislap sa tabi ng taxi driver, bago nagmamadaling sumakay sa motorsiklo ang lalaki.
Pagbukas ng pinto ng taxi, makikita na sugatan na ang driver. Sinugod pa siya sa ospital pero hindi na siya umabot nang buhay.
Ayon sa pasahero ng taxi, bigla na lang bumaba ang rider at kinatok ang driver sa salamin. "Sabi niya, 'Kuya, ang sama mo makatingin ah'. Sabi noong driver namin, 'Ikaw nga 'yong masama makatingin'."
Dagdag pa ng pasahero, posibleng napagtrip-an lamang ang driver ng rider na parang lasing.
Nagpapasalamat ang pasahero na hindi sila nadamay sa pamamaril. Agad na rumesponde ang mga kagawad at tanod ng barangay na malapit sa insidente.
Hinabol pa ng dalawang pulis ang salarin na mabilis na tumakas sa Osmena Highway, pero hindi na ito naabutan.
Iniimbestigahan pa ng pulis ang insidente. —Kaela Malig/ LDF, GMA News
