Dalawang pasahero ang patay habang 12 ang sugatan nang mahulog ang sinasakyan nilang truck na may kargang sound system sa Nasugbu, Batangas.
Ayon sa pulisya, bandang alas-6 ng umaga nang mahulog ang truck sa pakurbang bahagi ng National Road sa Barangay Natipuan nitong Miyerkules ng umaga.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa "Quick Response Team" ng GMA News TV, kinilala ang mga nasawi bilang sina Steven Mendoza at Earl Bonan na parehong sound system operator.
Narekober at nadala na sa punerarya ang mga bangkay ng mga pasaherong nadaganan umano ng mga gamit ng sound system na nasa loob ng truck.
"Nadaganan sila kasi umikot-ikot 'yung truck so naipit-ipit sila nung mga sound system equipment. 'Yung mga speakers, mga gamit ng banda," sabi ni Police Senior Superintendent Edwin Quilates, provincial director ng Batangas police.
Isinugod naman sa ospital ang driver ng truck at 11 pang pasahero nito.
Ayon kay Quilates, ligtas na ang kundisyon ng lima sa mga pasahero. Dadalhin naman sa pagamutan sa Maynila ang iba pang nasugatan.
Lumabas sa imbestigasyon na pababa raw ang truck para mag-set up ng sound system sa isang resort sa Nasugbu nang mangyari ang insidente.
Hindi raw natantsa ng driver ang kurbada ng daan kaya natumba ang truck at nahulog sa bangin na nasa 20 metro ang lalim.
Ayon sa pulis, hinahanda na ang mga kasong isasampa sa driver na nasa pangangalaga ng awtoridad habang patuloy ang imbestigasyon. —Margaret Claire Layug/ LDF, GMA News
