Trahedya ang sinapit ng isang magkakamag-anak nang masawi ang isang lola, anak na babae at apo nito matapos silang makulong sa inuupahang bahay sa gitna ng sunog sa Barangay Nagkaisang Nayon sa Novaliches, Quezon City.
Ayon sa ulat ni Mariz Umali para sa Balitanghal ng GMA News TV nitong Huwebes, sinabing nagsimula ang sunog bago mag-alas tres ng madaling araw sa mga hilera ng commercial establishments.
Nilamon nito ang mga katabing establisyimento tulad ng tindahan ng litsong manok, feeds at motor shop at umabot pa sa ikatlong alarma bago naapula ng 4:20 a.m.
Ngunit bangkay na nang matagpuan ang mga biktimang sina Arsenia Ilalim, 80-anyos; anak niyang si Josie Camalig, 42-anyos; at John Daniel Archiaga, 5-anyos.
Nakita si Ilalim malapit sa pinto samantalang si Josie at Daniel naman ay sa may pinto ng CR.
Ayon kay Mylene, kapatid ni Josie, nakalabas na sila pero bumalik sila para iligtas ang kanilang ina.
"Paglabas ko, hindi na ako nakapasok tapos 'yung kapatid ko hindi rin nakalabas, at saka wala na ring magbuhat sa nanay ko kasi hindi na siya nakakatayo," sabi ni Mylene Ilalim, kaanak ng mga nasawi.
Bukod sa mga establisyimento, sunog din ang tatlong paupahang unit sa likuran ng compound at isang chapel.
Pati ang nakaparadang AUV, hindi na magagamit sa sobrang pagkasunog.
Ikinuwento ng mga residente na sunod-sunod na putok ang narinig nila mula sa general merchandise store na nagbebenta rin umano ng paputok.
"Naririnig ko lang may nagpuputukan dito sa harapan, eh ambilis kumalat ng apoy, nagtakbuhan kami sa labas," sabi ni Nenita Baron, nangungupahan sa residential unit.
"Nagsimula 'yung sunog sa general merchandise, doon daw nagsimula 'yung apoy kaso mabilis daw. Tapos may narinig daw na pumuputok," ayon naman kay Von Francisco, may-ari ng compound.
Ipapatawag daw ng BFP ang may-ari ng tindahan na sinasabi ng mga residente na pinanggalingan ng apoy.
Mahigit isang milyong halaga ang pinsala sa mga ari-arian. — Jamil Santos/RSJ, GMA News
