Napatay sa pamamaril ang isang 22-anyos na lalaki nang subukan niyang pigilan ang rambulan sa labas ng videoke bar sa Calamba City.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumabas na agawan sa mikropono ang naging ugat ng away ng dalawang grupo.
Ayon sa ulat ni John Consulta nitong Biyernes sa "24 Oras," makikita sa CCTV na paalis na ng bar ang biktimang si Sev Ballesteros kasama ang kanyang nobya, pero huminto ito nang makita niya ang kanyang mga kaibigan na biglang nakipagsuntukan sa isang grupo ng mga lalaki.
Pinagbubugbog rin si Ballesteros nang tangkain nitong pigilan ang rambol. Maya't-maya pa, makikitang biglang kumuha ng baril ang isa sa mga salarin at saka hinabol ang biktima.
Nakunan rin ng CCTV ang pagtumba kay Ballesteros. Nang bumagsak ito matapos barilin ng dalawang beses, lumapit ang gunman at binaril pa ito ng tatlong beses sa mukha.
Ayon kay Police Superintendent Harold Depositar, hepe ng Calamba police, nagsimula ang gulo dahil nag-agawan ng mikropono sa videoke bar ang dalawang grupo.
"So itong grupo na isa ay hinamon 'tong grupong kabila at sila ay bumaba doon sa videoke bar, at yung grupo ng kabila na 'to ay sumunod at du'n sila nagkaroon ng pag-aaway na. Nagsuntukan na 'to, nag-rambol na 'tong grupo na 'to," kuwento ng opisyal.
Makikita sa CCTV ang pagtakas ng mga salarin sakay ang itim na kotse, pero hawak na rin ng mga awtoridad ang malapitang kuha ng mga mukha ng suspek sa videoke bar bago nangyari ang insidente.
"Dapat po mag-report agad-agad para ma-identify natin itong gunman at ang kanyang mga kasamahan sa kanilang ginawang karumal-dumal na krimen na ito," sabi ni Depositar.
Nagbigay naman ng mensahe ang ama ng nasawing biktima: "Sa mga gumawa nito, sana isipin niyo naman ang ginawa ninyo. Walang kamalay-malay ang anak ko, ga-ganu'n-in n'yo." —Margaret Claire Layug/JST, GMA News
