Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapadala ng mga pulis sa isang komunidad sa Camarines Sur matapos niyang mabasa ang liham ng isang 11-taong-gulang na babae na naglahad ng umano’y pang-aabuso at panggigipit ng isang barangay kagawad at mga anak nito sa kanilang lugar. Ang Punong Ehekutibo, halos maiyak umano at labis na nagalit nang malaman ang laman ng sulat.

Inihayag ito ng pangulo sa kaniyang tugon sa sulat ng bata na ipinost sa social media ng isang non-profit na organization sa lalawigan.

“Your letter has reached me and brought me close to tears and made me very angry. I am sending policemen to you and your sisters to protect you and to find anyone who has hurt any of you,” saad ni Marcos.

“I will make sure that you will be able to continue reading and studying as much as you want. You are a very brave, intelligent, and very kind girl and I will make sure to help you and your sisters in any way you need,” dagdag niya.

Ayon sa dalawang pahinang liham, inakusahan ng bata na inabuso ng anak ng isang opisyal ng barangay ang isa sa kaniyang mga “kapatid” sa non-profit mission. Nabuntis umano ang biktima at dinukot ng opisyal upang ipalaglag ang sanggol.

Hindi na umano pumapasok sa paaralan ang biktima matapos na muling abusuhin.

Inilahad din ng sumulat na nagbabanta sa kanila ang lokal na opisyal at ginigipit sila sa pamamagitan ng pagputol sa suplay ng kuryente at tubig sa kanilang lugar, pati na rin ang pagsira o pagnanakaw ng kanilang mga tanim.

Sinabi niya na maraming pamilya ang nananatiling nasa “survival mode” dahil pinapahirapan sila ng mga taong nasa gobyerno.

Nakiusap siya sa Pangulo at nagtanong: “How will we read if we are being raped? How will we read if our own government people cut our electrical wires so we have no lights? How we will read if our kagawad cut off our balon wires and so we have no water?”

“We are kids, we are not involved in your political parties. I just want to go to school without being raped. So, can you please help us?,” dagdag niya.

Sinabi rin umalis ang sumulat ng liham sa kaniyang elementary graduation ceremony upang magsampa ng reklamo laban sa lokal na opisyal at maghain ng petisyon na nilagdaan ng 201 residente sa mga awtoridad.

Tiniyak ni Marcos sa bata na tutulungan niya ito kung may iba pang kailangan. — FRJ GMA News