Iniulat na umano sa pulisya ng mga magulang ng Ateneo Junior High School student ang nangyaring panununtok at paninipa sa kanilang anak ng isa pang mag-aaral na naganap sa loob ng palikuran ng paaralan.
Sa ulat ng GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Biyernes, sinabing kasama ang abogado, nagtungo sa Station 9 ng Quezon City Police District noong Miyerkules ang mga magulang ng nasaktan na estudyante.
Ipinatala umano sa police blotter ng mga magulang ng estudyante ang insidente.
Kinumpirma ng pamunuan ng Ateneo De Manila University na estudyante nila ang sangkot sa sinasabing insidente ng pambu-bully.
Pero iginiit nila na hindi nila kinukunsinti ang pambu-bully sa kanilang unibersidad.
Nag-viral sa social media ang mga video ng naturang nangyaring pambu-bully.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ang pamunuan ng paaralan at mga magulang ang may pangunahing responsibilidad na tugunan ang naturang usapin ng bullying.-- FRJ, GMA News
